Monday, 22 December, 2014 Français  عـربـي   | Sign In
Philippine National School مدرسة الفليبين الوطنية الخاصة
BUWAN NG WIKA SA PHILIPPINE NATIONAL SCHOOL
Connie C. BARAL (Math Teacher)
Sun, 26 Sep 2010
Posted in
Number of Views: 5876


Bakit nga ba may tinatawag tayong buwan ng wika? Gaano ito kahalaga? At higit sa lahat bakit ito ipinagdiriwang? Ang buwan ng wika ay isang napaka-halagang okasyon sa bawat Pilipino na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Agosto. Ipinagdiriwang ang buwan ng wika dahil sa dalawang dahilan: una, ang wikang Pilipino ay pinagkakaisa tayo bilang isang lahi, pangalawa, ang ating pambansang wika ay tumutukoy sa atin bilang isang bansa, ang bansang Pilipinas. Ito ay sumasalamin sa kahalagahan ng Filipino bilang ating pambansang wika. Sa ating bansa ito ay ipinagdiriwang sa bawat paaralan at unibersidad sa iba’t ibang paraan, gaya ng mga patimpalak sa pagsusulat ng salaysay, kuwento, o tula na tumutukoy sa buwan ng wika, mayroon ding pagtatanghal at parada na ginaganap sa importanteng araw na ito. Maging ang mga sangay at ahensya ng pamahalaan ay nakikilahok sa pagdiriwang ng buwan ng wika.Pribado man o pampublikong paaralan,lahat ay nagdiriwang, may kompetisyon sa pag awit,sabayang pagbigkas at talumpati bukod pa sa mga naunang nabanggit. Ganun din ang mga Pilipinong nasa ibang bansa, hindi rin kami nakakalimot na ipagdiwang ang okasyon na ito. Sa aming paaralan (Philippine National School) ay binibigyan namin ito ng malaking importansya, kaya naman naglaan ang aming paaralan ng isang bahagi sa loob ng campus na tinawag naming Filipino corner, Ito ay nilagay para sa mga mag-aaral upang maging mulat ang lahat sa selebrasyong ito. Bagamat Agosto 22 na ng taong kasalukuyan nag umpisa ang klase,masasaksihan sa bungad palang ng aming paaralan ang paggunita sa nasabing pagdiriwang,sapagkat kapansinpansin ang mga desenyo ng mga pader nito na patungkol sa likas na yaman ng Pilipinas. Kabilang rin sa aming pakikilahok sa mahalagang selebrasyong ito ang aming paaralan ay nakilahok sa pandaigdigang kompetisyon ng pagsulat ng maikling kwento na may dalawang kategorya,pang elementary at pang sekondarya.Ang maikling kwentong ito ay dapat na naglalaman ng 3000 salita pataas.Lumahok din ang aming mga mag aaral sa kompetisyong inilahad ng Dep Ed na pinamagatang “Teacher ko Idol ko”, kung saan isusulat ng mga mag aaral ang kanilang sariling mga karanasan na may kaugnayan sa kanilang mga natatanging guro sa aming paaralan na nakapagbigay sa kanila ng inspirasyon upang ipagpatuloy ang kanilang mga pagsisikap bilang mga anak ng mga bagong bayani ng ating bansa.Mayroon ding mga paskin na ginawa ang mga mag aaral sa ikatlong antas na may temang “ Sa PAgpapahalaga sa Wika at Kalikasan Wagas na Pagmamahal Talagang Kailangan”. Ang tema para sa buwan ng wika ng taong ito. Tunay ngang ang buwan ng wika ay napakahalaga sa bawa’t isa atin. Hindi lang dahil ito ay ginawang opisyal na okasyon ng gobyerno, kundi tungkulin ng isang Pilipino na bigyang halaga ang ating sariling wika, na Filipino. Ito ay sariling atin, isang kayamanan na hindi kayang nakawin ng iba. Ang aming simpleng paggunita para sa Buwan ng Wika ay nagpapatunay na kahit nasaan mang bansa o kapuluan ang dugong Pilipino ay mananataytay sa ating mga kaibuturan. DJ Francisco(mag aaral sa ikatlong antas) sa pamamatnubay ni Gng. Connie C. Baral



 
 

Comments
Name:
Title:
Comment: